Nakakahiya noh? Alam kong alam mo kung ano ang tinutukoy ko. Buong mundo nakatutok sa atin kahapon. Lahat ng atensyon ay agad nabaling sa atin. Sa TV Patrol, sa 24 Oras, sa TFC, sa BBC, sa CNN at marami pang iba, INSTANT CELEBRITY tayo.
Nakakapanliit ng pagkatao. Nakakababa ng moral. Kasalanan ng isa, damay ang lahat.
Nakakapang hinayang. Ang isang bansa na pinaglaban ni Jose Rizal at ng maraming bayani, ay nasira lang ng iisang tao. Ilang taon na naman kaya ang dapat bunuin natin para makalimutan ng mundo ang nangyari kahapon? Ilang milyong beses nanaman natin kailangan patunayan ang sarili natin sa kanila? Gaano karaming panalo at tagumpay ang kailangan nating mahakot para lang maibalik ang tiwala nila?
Nakakatakot. Nakakapangilabot ng balahibo ang mga pangyayari. Bakit kailangan pang madamay ang mga inosenteng tao, at kumitil ng buhay para lang sa sariling kagustuhan?
Ngunit, sino nga ba ang dapat nating sisihin sa pangyayari? Ang mga pulis nga ba na sinasabing mababagal, ngunit iniisip lamang ang kaligtasan ng nakararami? Ang pamahalaan ba na hindi ibinigay ang kagustuhan ng pulis? Ang mga kapatid at kamag-anak na ang gusto lamang ay hindi mapahamak ang isa sakanila? Ang mga media na ipinakita pa sa telebisyon ang naganap ng panghuhuli ng mga pulis sa kapatid? Ang driver na nagsabing "patay na ang lahat" ngunit sa katunayan ay hindi? O ang mismong pulis na nang hostage, na ang gusto lang ay makabalik sa serbisyo?
Kanya-kanyang opinyon. Kung sinu-sino ang sinisisi. Ano pa ba ang magagawa natin? Lahat tayo ay nahaharap dito. Ano pang mabuting magagawa ng pagsisisihan kung tapos na ang lahat? Bibilang ka ba sa mga taong itinatanggi ang pagka PILIPINO nila? Mananahimik ka nalang ba at ipagwawalang bahala ito? Hanggang kailan ka magagalit at maninisi? Hindi ba dapat, lahat tayo magtulong tulong para maiangat muli ang ating bansa? Oo, tayong lahat. Kabilang IKAW. Kailangan ka para mapaganda muli ang pangalan ng ating bansa.
No comments:
Post a Comment